Hindi ito sermon mula sa nakatatanda kundi isang munting paalala.
Alam
mo na ang iskedyul ng mga kilos-protesta mula ngayon hanggang sa
pagtatapos ng semestre ngayong Marso. Malamang na magpapatuloy pa ang
mga ito hangga’t ang Pangulo ay hindi pa bumababa sa puwesto.
Inaasahan
kang makiisa sa mga ito para ipakita sa mga nasa kapangyarihan ang
malawakang pagtutol ng mamamayan sa katiwalian ng pamahalaan at
pangkalahatang kabulukan ng sistema.
Nasa iyo ang desisyon kung
hanggang saan mo gustong dalhin ang iyong pagkilos. Sa isang lipunang
“normal,” tungkulin ko bilang guro na sabihan kang unahin ang pag-aaral
dahil ito ang pundasyon ng iyong magandang bukas.
Pero alam mong
malayo sa “normal” ang ating kalagayan, at wala akong karapatang
sabihing magkakaroon ka ng magandang bukas dahil lang sa nakapagtapos
ka ng pag-aaral. Bilang estudyanteng may mataas na antas ng kamulatan,
alam mong ang pagtatapos ng pinili mong kurso sa kolehiyo ay hindi
awtomatikong magpapaunlad sa iyong buhay.
Sa katunayan, mula sa
pagiging kasama sa mga kilos-protesta, baka magiging kasama ka na lang
sa lumalaking bilang ng mga walang trabaho. O mas malala pa, baka
magiging kasama ka na lang sa nabigyan ng trabaho kapalit ng iyong
prinsipyo.
Ito ang dapat mong iwasan – ang pagkawala ng pakikibaka sa iyong pagtanda.
Marami
na akong kakilalang seryosong kasapi ng parlamento ng lansangan na
naging seryosong empleyado ng tubo. Tuluyan na nilang kinalimutan ang
kahalagahan ng pagkilos, at kasama na sila sa kumokondena sa mga
nangyayaring protesta bilang “simpleng pinagdaraanan lang ng kabataan.”
Napapailing
na lang ako sa kanilang katwiran: “Dati rin kaming aktibista, pero
namulat kami sa katotohanang mahirap baguhin ang sistema. Kailan din
naming kumita para sa pamilya, kaya mas mabuti pang isipin na lang ang
sariling pag-unlad kaysa mapaos sa kasisigaw sa mga problemang mas
matanda pa sa atin.”
Sigurado kong may mga kakilala kang may
ganitong aktitud na kumukumbinsi sa iyong kalimutan na ang pagmamartsa
dahil ang iyong pagsigaw ay pansamantala lang ang alingawngaw. Kahit
sabay-sabay kayo, lulunurin lang ng ingay ng tao’t sasakyan sa
lansangan ang anumang mensaheng nais ipahatid. Ang nakararami diumano
ay may praktikal na pangangailangang kumita para gumanda ang buhay ng
pamilya.
Malamang na may mga panahong nagdududa ka kung tama ba
ang pinili mong tahakin. Habang ang mga kaklase mo’y pinoproblema lang
ang kasiyahang gagawin sa pagsapit ng gabi, nakikipagpulong ka sa iba
pang kasama para sa mga susunod na pagkilos. Sa halip na malasing sa
alak at basta na lang tumumba sa tindi ng tama, pinipilit mong magising
sa tapang ng kapeng iniinom para labanan ang antok.
Mula sa iilang nakatatandang alam ang iyong pinagdaraanan, maniwala kang may dahilan para ipagpatuloy mo ang ganitong buhay. Sana’y
huwag kang magpadala sa pambubuyo ng mga walang pakialam. Sana’y huwag
kang matukso sa kinang ng salapi sa oras ng iyong pagtatapos sa
kolehiyo. Patuloy mong tingnan ang pag-aaral hindi lang sa loob ng klasrum kundi maging sa labas nito.
Sa panahong katulad nito, lubhang kailangan ang mga katulad mo